Wednesday, March 14, 2007

.. populasyon ng pilipinas, tumataas ..

Isang isyu muli ang ipinalabas ng 24oras, ang news cast ng GMA7 kanina. At dito ay inilahad nila ang problema ng mga Pilipino pagdating sa Reproductive Health. Dalawang panig ang nagkakabangaan ngayon, ang Departamento ng Kalusugan at ang simbahang Katolika. Ayon sa Simbahang Katolika, ang paggamit ng mga contraceptives ay labag sa natural na pagpaparami ng tao at ito ay labag sa batas ng simbahan. Ngunit ang paniniwala ng DOH na ang paggamit ng mga ito ay maaring maging solusyon sa problema sa ating populasyon.

Ako ay isang Katoliko, sumusunod sa mga pangaral at gusto nila. Pero ako ay sumasang-ayon sa nais ng DOH. Ang paggamit ng contraceptives ay isang paraan upang ma-kontrol ang lumalaking populasyon natin. Marami sa ating mga kababayan ang mahirap turuan ng mga bagay tulad ng rythym or withdrawal method, at mas lalo naman hindi mo pwedeng ipatupad ang abstinence. Alam ko may mga side effects din itong mga contraceptives na ito, tulad ng mga pills or IUD, pero nasa tao naman kung ano ang nais niyang gamitin upang magkaroon ng isang maayos na pamilya. Kung ang ating populasyon ay makokontrol ang pag-taas ng ating ekonomiya ay maaring mangyari. Mas madami na ding mabibigyan ng pabahay dahil kumokonti ang mga taong nasa paverty line. Kasi naman kung titingnan natin, sino ba ang may pinakamaraming anak? Di ba yung mga nasa poverty line. Haaaay, kelan kaya matuto ang mga Pilipino.

.. isang intern nurse, nakapatay! ..

Mayroong isang student nurse na nakapatay ng isang isang taong bata mula sa Batangas dahil daw sa maling pag-introduce ng gamot. Ang bata na confine ay dapat makakalabas na kinabukasan, ngunit sa kasawiang palad ay namatay dahil sa maling proseso ng pagbibigay ng potassium chloride (KCl). Napansin ng magulang ng bata na mali ang ginagawa ng student nurse na mula sa Our Lady of Fatima, at tinanong siya kung tama ba ang ginagawa niya. Sumagot ang estudyante na tama ang ginagawa niya at yun ang utos ng doktor. Ngunit sa ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, ang KCl ay kanyang inilagay sa soluset imbes na sa intravenous fluid ng bata.

Sa inyong kaalaman, ang potassium chloride ay kominasyon ng potassium ang chlorine. Ang potassium ay isa sa mga elemento na kailangan ng ating katawan upang sa tamang conduction ng ating puso. Kung kaya kapag ibingay mo ang KCl ng diretso sa iyong mga veins, para ka na ding nag lethal injection sa iyong pasyente.

Sa ganitong bagay, parehong mananagot ang student nurse at ang staff nurse na naka-duty ng mga oras na iyon. Nararapat na ang estudyante ay may kasamang superior kahit na ito ay graduating na dahil ayon sa batas ng mga nurses, R.A. 9173 ang mga staff nurse ay dapat magbigay ng supervision sa mga student nurses. At syempre, ang mga student nurse ay dapat maging responsable dahil ibinigay sa iyong obligasyon yan, buhay ang hawak natin at hindi yan parang computer na pag na virus ay mayroong anti-virus na pwede mong i-run. Yan ang challenge sa ating mga nurses, hindi mo naman kailangang malaman ang lahat, pero ang presence of mind lang ang dapat meron ka. Kasi kung wala ka nito, makakapatay ka ng tao ng wala sa oras.

Congatulations sa lahat ng graduate ng nursing ngayong 2007 at pumasa tayo sana sa June 2007 Board Examinations ng walang leakage!

.. milagrong naibibigay ng pakwan sa kalusugan ..

Hindi makukumpleto ang picnic kapag walang anumang kasamang pakwan na siyang pagsasaluhan, at ngayon, ayon sa bagong pananliksik, ipinakikita na ang bawat hiwa ng naturang prutas ay magsisilbing sandata upang makaiwas sa panganib na dulot ng cancer, heart disease, suliranin na sa paningin at marami pang iba.

Malamang na narinig na ang tungkol sa benepisyong naidudulot ng lycopene sa isang tao, isang antioxidant mula sa tomato products, na mas mahusay sa vitamins C at E. Ayon sa eksperto, ang pakwan ay nagtataglay ng maraming lycopene kaysa sa anumang prutas at gulay - kahit pa ng mismong kamatis. Ang pag-i-enjoy sa prutas na ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

1. Iwasang ang cancer sa madaling paraan
Ayon sa pag-aaral, ang mga babaeng kumukonsumo ng 30mg ng lycopene sa bawat araw ay limang beses na malayo sa panganib na dulot ng cervical caner, gayundin ng skin, lung, breast, stomach at iba pang uri ng cancer ng hanggang 40%. Ang dalawang slice ng pakwan ay nakapagbigay ng 30mg ng lycopene na sadyang mainam.

2. Putulin ang panganib ng heart attack at stroke
Ang pakwan ay isang heart-healthy snack, sa tulong na rin ng halos zero fat at cholesterol content nito. Ngunit sadyang mayaman ito sa lycopene na nakatutulong upang maprotektahan ang puso at makaiwas sa bantang pag-atake. Mayaman din ang pakwan sa potassium, isang nutrient na kilala upang makaiwas sa atake sa puso at stroke.

3. Panatilihing malinaw ang mata
Mahigit sa 40% ng mga taong nakapagde-develop ng katarata. ngunit, ayon sa mga doktor, ang pag-iwas sa suliraning ito ay maaring kasing simple laman ng pagpapataas ng bilang ng pagkonsumo ng gluthathione, beta carotene, luteinat zeaxanthin - anti oxidants na makukuha sa bawat hiwa ng pakwan. Sa katunayan, ayon sa mga eksperto, ang pakwan ay nagtataglay ng gluthatione sa bawat kagat, kaysa sa 95 iba pang uri ng prutas at gulay. Katulad ng lycopene, ang substances na ito ay nagkapagnyu-neutralize ng free radicals, ngunit mas higit silang nakapuprotekta sa maselang eye tissues. At ayon sa pag-aaral, ipinakikita na ang mga taong kumukonsumo sa bawat araw ng pakwan ay pitong beses na malayo sa panganib na makapag-develop ng katarata

Kaya ugaliin natin na kumain ng pakwan para makaiwas sa mga sakit na tulad ng katarata o maging ang mapanganib na stroke.

.. isang teknolohiya: apple iphone ..

Matagal ko na talaga sobrang gusto ang Macintosh. Pagdating pa lang sa computer at sa mga gadgets. At ngayon meron na silang new gadget ang Apple Iphone. Ito yung new features niya:
  • 3.5″ 320×480 touch-sensitive screen (no more keypad!)
  • Runs OS X
  • Comes in 4GB or 8GB
  • Quad-band GSM (850/900/1800/1900), EDGE, Wi-Fi (802.11b/g), and Bluetooth 2.0 connectivity
  • Built-in 2.0 megapixel camera
Medyo may kamahalan nga lang, ibinebenta siya ng $499 o P24, 950 para sa 4GB at $599 o P29, 950 para sa 8GB. Yung Apple Iphone ay magiging available sa Europe sa pagtatapos ng taong ito at sa Asya naman sa susunod na taon. Sana magkaroon naman ako nitong bagong gadget na ito! Yung picture idagdag ko dito pag nakakuha ako.

.. eleksyon na naman ..

Malapit nanaman ang eleksyon, ang mga ads sa telebisyon at radyo ay naglipana. Mga campaing posters at mga truck na umiikot sa buong Pilipinas. Kanya-kanya kampanya ng mga tatakbo ngayong eleksyon at kanya-kanyang pangako muli ang maririnig. Pero meron ba kayang mababago pagkatapos silang iboto ng ating mga mamamayan?

Mayroon akong napanood sa GMA - 7 na ang title ay "Sagutin ang Isyu". Yung naka feature dun ay isang pamilya na nakatira sa ilalim ng tulay. Nagtitiis sila sa isang lugar na tinatawag nilang bahay. Gawa lamang iyon sa pinagtagping mga sako ng bigas sa ilalim ng tulay. Sabi niya sa nag-interview sa kanya, tuwing eleksyon daw, excited siya kasi yung mga pangako ng mga tumatakbo ay ang iahon sila sa kahirapan. Pero siyam na taon na siya sa lugar na yun. Ibig sabihin 3 beses na din siyang naniniwala sa mga pulitiko na tumatakbo sa senado. At ngayon eleksyon nanaman daw, parang ayaw na daw niyang maniwala sa mga pulitiko.

Napaisip ako sa sinabi niya, meron ba talagang magagawa ang mga pulitiko na iahon ang mga Pilipinong kapos palad na iahon sa kahirapan o talagang pangako lang ang kaya nilang gawin. Sa totoo lang, sinadya kong hindi magparehistro nung binigyan ng pagkakataon. Naniniwala kasi ako na kahit bumoto man ako, wala naman atang nagawang kakaiba ang mga pulitiko. Kung wala naman din silang magagawa bakit pa ako boboto? Kung meron akong makitang pagbabago sa estado ng aking mga kapwang Pilipino na kapos palad, maari na siguro akong bumoto kasi alam kong mayroong pupuntahan. Pero kung wala pa din, ayaw kong magsayang ng oras para pumila at mag-pa rehistro. Sana naman ngayon eleksyon may makita na akong pagbabago!

.. examination ni rizal ..

Umaga ng Tuesday, wala pa din akong permit. Kahit na nakakuha ako ng pirma galing sa OSA, di pa naman ako bayad para sa clinical graduation namin. Pero nagdala na ako ng cheke para impambayad dun sa accounting. Ang aga ko dun, di pa bukas nakapila na ako kasi alam kong madaming magbabayad. Pagkatapos kong mabayaran yung clinical graduation fee, pumunta na ako dun sa window kung saan binibigay yung permit, at ang tanging nasabi lang niya ay hindi pa din ako pwedeng kumuha kasi daw hindi ko pa daw nababayaran yung Foundation day fee. Nagulat ako, at grabe bargaining nanaman. Sabi ko pwede bang tomorrow na lang kasi kailangan ko talaga yung permit. Ayaw niya talaga. Nakakainis talaga ah! Sabi nga nung kasunod ko relax lang eh. Tumawag ako agad sa mama ko na magpadala ng pamabaya dun sa Foundation Day na yun. Asar graduate ka na nga lang kukuhanan ka pa ng ganung kalaki! Ayun after 30 minutes, dumating yung kapatid at pinsan ko. Nakabayad din ako ng kulang ko at nakuha ko na yung permit ko.

Yung start ng exam is 11am, pero nagsimula siya ng 11:30am. Ay naku, nakakainis talaga ang school na ito. Nagconduct kasi sila ng sabay-sabay na exam sa lahat ng graduating students pero hindi sila nag post ng isang maayos na schedule kung saan kukuning room. Naka tatlong labas pasok kami ng room bago nabigay sa amin ang exam para sa Rizal. Akala ko pa naman mahirap yung exam, eh wala pang 30minutes natapos ko na yung exam. At alam niyo ba na yung proctor, wala naman ginawa. At ang mga estudyante talaga nagkokopyahan talaga. Pero syempre ako kasama din, ipokrito ako kung hindi ko yun ginawa. At nang matapos yun, umuwi na ako kasi nga wala naman na ako gagawin at kailangan mag-aral ulit sa iba pang exam!

.. hindi ako makakuha ng clearance! ..

Nung Lunes, pumunta ako ng school kasi dapat complete na ang clearance ko para makakuha ako ng permit ko para sa exam ko ng Tuesday. Nang makuha ko yun sa College of Health Related Sciences, bumaba na ako sa may Office of the Student Affairs kasi isa yun sa tatlong natitirang dapat mapirmahan. Pagdating ko dun, pinakuha sa akin ang isang paper na nakalagay yun pangalan ko para sa yearbook namin, kasi nga graduating student ako ng nursing. Ibinigay ko sa kanya at sinabi niya sa akin na hindi ko pipirmahan yung clearance ko kasi daw isa ako sa mga nursing council officers at hindi ko pa napapasa ang completion report ko for the second semester. Ako nga pala ay ang secretary ng nursing council ng school ko. Hay naku, sabi ko dun sa pipirma paano ako makakakuha ng permit kung wala pirma niya, ang sagot niya sa akin, wala daw siya magagawa kasi obligasyon daw namin yun. Hindi na ako nagsalita at umalis na ako. Nag stay muna ako sa school kasi hinahabol ko yung mga taong pwede ako makakuha ng information dun sa mga bagay na kailangan kong ipasa sa kanila.

Nagtext ako sa adviser namin, at tanging sinabi niya na kausapin ko daw yung president namin. Pero ayun, wala naman din naman akong nakuha. Nagpunta ako ulit sa CHRS, pero wala naman din dun ang hinahanap ko. Pagkatapos ng isang oras, bumaba ako at nakasalubong ko ang isang kaibigan ko. Sabi ko samahan niya ako sa OSA, kasi may itatanong ako dun sa pumipirma ng clearance. Pag daan namin sa hallway nakita ko na may meeting sila kasama nung vice-president ng administration at lahat ng deans. Tumakbo ako agad sa OSA at nag present ng aking clearance at agad pinirmahan nung Student Assistant yung clearance ko. YES! At yun cleared ako sa OSA kahit na hindi ko pa napapasa yung dapat kong ipasa. In short, matuto kang magantay!

.. ang aking simula ..

Matagal ko nang plano na magkaroon ng blog na ang tema ay nasa salitang Filipino kasi alam kong mas mayroong sense ang mga sasabihin ko. Tinanong ko pa ang isang kaibigan kung ayos lang ba na buong blog ay Filipino, ang sabi niya sa akin, kahit isulat mo pa sa salitang Swahili yung blog mo ayos lang kasi personal mong gawain yun. Kaya ito inilalahad ko sa inyo ang aking blog kung saan lahat ng kasiyahan at kalungkutan ko ay maari niyo nang mabasa. Magpakasaya tayong lahat ah!!!

.. kasalanan bang magmahal ..

Ang pagmamahal ay isang pakiramadam na napakahirap ipaliwanag. Iba't ibang klase ito, pero wala pa din tugmang definition nito. May ilang tao na pilit itinatago ang kanilang nararamdaman dahil ikinakatakot nila na sila ay masaktan at maiwanan. Pero ito ang isa sa mga bagay na hindi mo maiiwasan pagdating sa bagay na ito. Naramdaman ko nang magmahal ng tatlong beses, pero nauwi din siya sa pagiwan sa akin. At ang pinakahuli ang pinakamasakit sa lahat.

Hanggang ngayon, umaasa pa din ako na ang dating relasyon namin ng huli kong partner ay bumalik pero wala pa din akong kasiguruhan kung magiging masaya pa ba ako sa panibagong chance na iyon. Hindi ako ang nagkamali, pero kung kasalanan ang mahalin mo ang isang tao, yun siguro ang aking nagawa. Hindi niya nakita na kahit na magkalayo kami, pinilit kong labanana ang mga temptations na dumadating sa akin dahil alam kong mahal ko siya at kung magawa ko man yun ay sobrang mali. Ang pagmamahal ay parang isang kontrata ng 2 tao, di man ito naisulat pero ito ay isang obligasyon na kailangan mong gawain. Pero ang naging problema ay pumirma siya ng ibang kontrata habang meron pa siyang ibang kontrata. Isang masakit na karanasan pero madami naman akong natutunan. Sa tingin ko sa lahat ng sakit na naidulot nun sa akin, ang pagiging mas matatag na tao para tanggapin iyon ang tangi kong panlaban. Naiwan man ako ngayon, pero isa naman akong taong kaya nang harapin ang mga susunod na mangyayari sa akin.